Tuesday, December 6, 2011

Sa Bingit ng Isang Paalam

Sa Bingit ng Isang Paalam

Paano nga ba magagawang bitiwan
ang isang salitang tulad ng paalam?
Paano nga ba magagawang iwanan
ang mga bagay na lubos ng kinagiliwan?

Magagawa kayang paglisa'y padaliin
kung ang paglayo pa lamang, makawasak na ng damdamin?
Hindi kaya't sadyang ito'y mahirap unawain
pagka't puso at utak, hindi kayang pagsunduin?

Ngunit alam ko ring ito ang gawing nararapat
upang maibsan ang lungkot at paghihirap.
Lungkot na dala ng mga pangyayarig naganap
at bunga ng pagkakataong hindi ko man lamang pinangarap.

Kaya't kahit na ito'y labag sa aking kagustuhan,
at kahit tamang paraa'y hindi ko na malaman
kailangan kong harapin, bukas na sa aki'y nag-aabang
kaya't sa iyo, aking mahal, isang mapait na


PAALAM





Saturday, December 3, 2011

Nangungulilang Awit

Nangungulilang Awit

Lumuluha ka na naman?
Kailan ba matitigil 'yan?
Alam mong iya'y di ko kayang tingnan,
Pagka't alam kong ang dahila'y siya na naman.

Siya na minahal mo ng husto,
na pinaglaanan ng panahon at oras mo.
Siya na dati-rati'y nagpapangiti sa'yo
Ngunit ngayo'y hindi madama kahit kanyang anino.

Nais kong sabihin at sa iyo'y ipaalam,
na ako'y nalulungkot rin t'wing ika'y nagdaramdam
'Pagka't alam kong ang sa iyo'y nararapat
ay ang pahalagahan at mahalin ng tapat

Maaari bang ang magbigay sa'yo nito'y ako na lamang?
Akong handang dumamay at sa iyo'y magpalamang;
Akong kahit hindi ka pa kilala ng lubusan
ay handang magpuno sa naiwan niyang puwang.

Ngunit alam ko ring ito'y hindi maaring ipilit
Pagka't puso mo'y sa kanya pa rin nakakapit
Kaya't mananatili ka na lamang, isang nangungulilang awit
na aking ihihimig sa'king mga panaginip.

At kahit na hindi man matupad ang hilig,
asahang hindi maglalaho itong aking pag-ibig;
Pagka't mas nanaisin ko pang di na lamang makarinig,
kung wala rin lamang ang iyong tunog at tinig.